Lunes, Hunyo 23, 2014

Bakit ayaw magpa-opera ng katarata ang ibang pasyente?

Marami na kaming napuntahan at na screen para sa katarata.  Karamihan din sa kanila kahit sabihan mo na mabubulag na sila pag ayaw magpa-opera, ayaw pa rin talaga.  Bakit kaya hinihintay ng ibang tao na halos mabulag muna bago lumapit sa doktor?  Marami na kaming narinig na dahilan pero nung may nabasa akong artikulo sa Community Eye Health Journal naconfirm ko na halos kahit saang bahagi ng mundo pare-pareho ang rason ng mga tao.  Ilan sa mga dahilan ay ito:


  1. Takot - may narinig na k'wento na si ganito ay naoperahan sa katarata at nabulag.  Inoperahan pero hindi rin makakita.  Nasira ang mata dahil sa operasyon.
  2. Gastos (oras at pera) - marami sa aming mga nakilalang pasyente, ayaw maiwan ang mga alagang baboy, manok, atbp.  Kung minsan nga nasasagot ko pa na: "mas importante pala ang baboy kesa sa inyong paningin?"  Pero kung makita mo o nalaman mo na may mga taong ang pagkain na ihahain sa mesa ay nakadepende kung nagtrabaho ka ngayong araw o hindi, (isang kahig isang tuka) malamang maaawa ka na lang.  Isa pa sa malaking rason ay ang gastos sa pamasahe papunta sa doktor maliban sa bayad sa konsultasyon ng doktor dahil minsan mas mahal pa ang pamasahe sa konsultasyon lalo pa at  kailangan ng tagabantay o kaagapay ang pasyente.
  3. Ugali at Paniniwala - may ugali ang ibang tao na kayaan na lang kasi matanda na o kaya paniniwala na bigay ito ng Diyos kaya tanggapin na lang.  O kaya minsan sasabihin ng kapamilya na wala namang silbi kaya hayaan na lang.
  4. Hindi ko kailangan magpagamot, kaya ko ito - para sa ibang pasyente ayos lang sa kanila na hindi sila makakita kaya naman nila.  Nasanay na lang na malabo ang paningin at sayang lang ang pera na gagastusin.
  5. Mahal magpaopera ng katarata - kung lumagpas na sa ikaapat ang rason ng pasyente, tiyak ito na yun.  May mga pasyente naman na gustong-gusto magpaopera hindi lang kaya ang mga gastusin.  Napakamahal naman kasi ang singil ng ibang ophthalmologist.  Mababa na ang Php20,000 sa isang mata.
Nagtataka ka pa ba kung bakit maraming nabubulag sa katarata o hinahayaan na lang ang sitwasyon na hindi makakita?  Ilan lamang ito sa mga rason.  Ano ang magandang gawin?  Suportahan sana ng lokal na gobyerno ang pangangailangang ganito.  May ibang LGUs na tumutulong magbigay ng pamasahe, pambili ng gamot, sasakyan papunta sa doktor, at minsan sagot nila ang counterpart ng pasyente lalo pa at walang PhilHealth.  Sana dumami pa sila.  Marami sa ating mga ophthalmologists ay willing tumulong at mag opera kahit libre pero marami din sa kanila sakim sa pera.  Kahit kita naman nila walang-wala talaga, pipilitin nilang mangutang para lang may ipambayad.  Hindi ko naman sinabing i-libre na lang pero sana may 'socialized payment' sila na papipilian sa kanilang pasyente depende sa kung ano ang kakayanan ng pamilya pagdating sa pinansiyal na estado.  Hindi p'wedeng 50k ang singil mo sa lahat ng pasyente.  Maging makatao ka.  Hindi pera ang sinumpaan mo sa iyong propesyon kundi ang tumulong, makatulong sa mga nangangailangan.

Walang komento: